Pinaghahandaan na ng Malacañang ang pagdedeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng African Swine Fever (ASF).
Ito’y ayon kay Senador Francis Pangilinan kung saan, makatutulong aniya ito para sa indemnification fund o sa pagbibigay-ayuda sa mga magbababoy.
Dapat din aniyang bantayan ang pag-amyenda sa Executive Order 128 na nagbababa ng taripa sa mga inaangkat na karneng baboy, upang hindi maabuso.
Samantala, pabor naman ang senador sa panukalang repasuhin ang sistema ng minimum access volume (MAV), hindi lamang sa karneng baboy, kundi sa iba pang food imports gaya ng prutas, isda at iba pang agricultural products. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)