Paunang hakbang pa lamang ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army o NPA bilang teroristang grupo.
Ito’y ayon kay Senador Panfilo Lacson ay dahil may proseso pang pagdadaanan para sa ligal na pagbansag sa CPP-NPA bilang isang teroristang grupo.
Paliwanag ni Lacson, sa ilalim ng Human Security Act, kailangan pang magsumite ng application ng Department of Justice o DOJ sa isang regional trial court na didinig dito.
Matapos nito, aabisuhan ng korte ang CPP-NPA kaugnay ng pagdedeklara dito bilang terrorist group saka bibigyan ng pagkakataon at karapatan na marinig ang kanilang panig bago tuluyang legal na ideklara bilang isang teroristang grupo.
War on drugs
Samantala, naniniwala rin lacson na chairman din ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs na mas magiging maayos ang sistema ngayon sa kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Kasunod ito ng pagbabalik ng Philippine National Police o PNP sa war on drugs campaign.
Ayon kay Lacson, mas praktikal na paraan ang pananatili ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA bilang lead agency sa war on drugs at active support ang PNP.
Iginiit ni Lacson na mas maganda itong sistema kaysa sa nakaraang set up kung saan ipinaubaya lamang sa PDEA ang mga operasyon laban sa iligal na droga at inalis sa PNP gayung isa sa mga tungkulin ito ng pulisya.
(Ulat ni Cely Bueno)