Nasa tamang posisyon ang Economic Team ng Marcos Administration pagdating sa pagdedetermina kung tataas o bababa ang paglago ng ekonomiya sa 2023.
Ito ang binigyang diin ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles matapos sabihin ng International Monetary Fund (IMF) na papalo lamang daw sa 5 % ang economic growth ng Pilipinas sa susunod na taon mula sa 6.5 % ngayong 2022.
Ayon kay Sec. Angeles, maganda ang itinatakbo ng ekonomiya ng bansa ngayong taon na maaring magpatuloy hanggang sa 2023.
Base aniya sa mga naunang forecast ng economic managers ng gobyerno, unti-unti nang nakakabawi at bumabangon ang pilipinas mula sa dagok ng pandemya.
Sa kasalukuyan, nararanasan na aniya ang maayos na growth rate na isang patunay na matatag ang mga economic fundamentals ng bansa.
Gayunman, iginiit ni Sec. Angeles na mas mabuting antayin na lamang ang mangyayari sa 2023 nang sa gayu’y malaman kung mas dapat bang paniwalaan ang IMF kesa sa local forecast na nakabase sa mga datus ng pamahalaan. – sa ulat ni Jopel