Pinag-aaralan nang ideklara ang power crisis sa buong Occidental Mindoro matapos mag-shutdown ang operasyon ng power supplier na Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC).
Ito’y makaraang hindi umano pagbigyan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang hirit ng OMCPC na i-extend ang kanilang power supply agreement sa Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO).
Nasa 80,000 consumers ang apektado ng power supply outage nang putulin ng OMCPC ang suplay ng kuryente sa OMECO simula alas-12 ng tanghali noong Sabado.
Nakatakda namang magpulong ngayong araw ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council para sa posibleng deklarasyon ng power crisis.
Gayunman, hindi pa matiyak kung kailan maibabalik ang supply ng kuryente.
Inihayag ng OMCPC na nakasasalay ito sa magiging desisyon ni ERC chairperson Agnes Devanadera.