Hiniling ng Makabayan Bloc ng Kamara sa Korte Suprema na ideklarang iligal ang kinokolektang electric bill deposit ng Meralco mula sa kanilang mga consumers.
Sa kanilang inihaing petisyon, iginiit ng Makabayan Bloc at ni dating Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares ang ganap ng pagpapatigil sa pagpapataw at pangongolekta ng deposito ng Meralco at iba pang distribution utilities.
Anila, hindi partikular na tinukoy o pinapayagan sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act ang bill deposit.
Wala rin anilang batayan at iligal ito dahil tiyak naman ang pababayad ng bill sa ilalim ng ipinatutupad na polisiya at protocol ng Energy Regulatory Commission (ERC) at Meralco para sa mga hindi nagbabayad ng buwanang bill.
Hindi anila naaayon sa pagsusulong sa interes ng mga consumer at tungkulin ng Meralco sa ilalim ng kanilang franchise ang paniningil ng deposito.
Kaugnay nito, hiniling din ng mga mambabatas na ipag-utos ng ERC ang pag-refund ng Meralco sa mga ibinayad na deposito ng kanilang mga consumer na tinatayang umaabot na sa halos P29-B.