Umani ng batikos mula sa mga senador ang pagdepensa ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa sa mga pulis na nasa likod ng nadiskubreng sikretong kulungan sa Tondo, Maynila.
Tinawag na arogante ni Senador Panfilo Lacson si Dela Rosa dahil malinaw anya na ang ididepensa nito ay isang bagay na hindi kayang ipagtanggol o indefensible.
Binigyang diin ni Lacson na hindi nya maintindihan kung bakit nasabi ni Dela Rosa na wala syang nakikitang mali sa pagkulong sa drug suspects sa madilim, makipot at walang bintanang sikretong kulungan gayung kahit walang magbigay ng salaysay ay kitang-kita na mayroong nangyaring paglabag sa batas.
Nanlumo naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa anyay tila Kanto Boy na pananalita ni Dela Rosa habang ipinagtatanggol ang sikretong kulungan.
Binigyang diin ni Drilon na malinaw sa ating mga batas ang pagbabawal sa isang sikretong kulungan.
Una rito, natuklasang nakakulong sa sikretong kulungan sa Station 1 ng MPD o Manila Police District sa Tondo, Maynila ang labing isang (11) drug suspects na kinabibilangan ng mga babae.
Ibinunyag ng mga inamtes na hinihingan sila ng P40,000.00 hanggang P200,000.00 ng mga pulis kapalit ng kanilang kalayaan.
By Len Aguirre |With Report from Cely Bueno