Alinsunod sa polisiya ng pamahalaan ang ginawang pagdepensa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nakamit na tagumpay ng Pilipinas laban sa China sa permanent court of arbitration sa usapin ng West Philippine Sea.
Ito ang iginiit ng Malakanyang kasunod ng naging talumpati ng pangulo sa ika 75 anibersaryo ng United Nations General Assembly sa kauna-unahang pagkakataon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, isang restatement o muling pagpapahayag ng luma at matagal nang umiiral na polisiya ng pamahalaan ang isinaad ng pangulo sa kanyang talumpati.
Ito aniya ay sa kabila ng mga natatanggap na kritisismo ng pangulo dahil sa pasiyang isantabi muna ang usapin sa pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea kapalit ng maayos na relasyon ng ekonomiya at kalakalan sa China.
binigyang diin ni Roque, bago pa man naging presidente si Pangulong Duterte ay nangako na itong hindi isusuko ang kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas.