Pinapuruhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pagdideklara nito sa Kalayaan Group of Islands bilang protected area.
Ipinaabot ito ni AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana sa isang pagpupulong kay Palawan Gov. Jose Alvarez na siya ring tumatayong Chairman ng Palawan Council for Sustainable Development.
Kasunod nito, tiniyak ni Sobejana ang pagsuporta nito kay Alvarez sa mga hakbang tungo sa kaunlaran ng mga Isla ng Kalayaan ngayong isa na itong protected area sa ilalim ng Republic Act 7586 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System.
Binigyang diin ng Heneral na mahalaga ang kaunlaran sa mga Isla ng Kalayaan partikular na ang Pag-asa Island lalo’t itnuturing itong logistics hub para pangalagaan ang kalikasan at kabuhayan ng mga mangingisda sa lugar.
Tinalakay din sa nasabing pagpupulong ang planong buksan sa mga turista ang Pag-asa Island upang magbigay ng ibayong kabuhayan at kaunlaran sa isla.