Kasado na sa Lunes, Setyembre 23 ang isasagawang pagdinig ng Senate Committee on Energy hinggil sa short, medium at long term plans ng Department of Energy o DOE para matiyak ang matatag na suplay ng langis sa bansa.
Kasunod na rin ito ng nangyaring pag-atake sa dalawang malaking oil facility sa Saudi Arabia na inaasahang may malaking epekto sa Pilipinas.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, pinuno ng nabanggit na komite, pangunahing tungkulin ng DOE ang maglatag ng plano at implementasyon ng mga komprehensibong programa para sa matatag na suplay ng enerhiya sa bansa.
Tungkulin din aniya ng DOE na ipagbigay alam sa publiko ang posibleng epekto sa suplay at presyo ng mga produktong petrokyo ng pag-atake sa Saudi Aramco Facilities.
Binigyang diin ni Gatchalian na hindi maiiwasang magdulot ng pangamba sa sektor ng transportasyon at power generation ang nangyaring pag-atake sa Saudi Arabia at iba pang kaguluhan sa middle east sa usapin naman ng suplay at presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas.