Kasado na sa Hunyo 4 ang imbestigasyong isasagawa ng Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System kaugnay sa naging aberya noong 2019 midterm elections.
Ayon kay Sen. Koko Pimentel, co-chair ng nasabing komite, dapat sana ay agarang iimbestigahan ang nasabing mga aberya noong halalan ngunit iniurong ito dahil na rin sa pakiusap ng ilang mga kongresista.
Samantala, nais din busisiin ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson kung sino ang may kontrol sa transparency server at kung bakit mahinang klase ng SD card ang ginamit sa mga vote counting machines ng Commission on Elections o COMELEC.
Una rito, ipinabatid ng COMELEC na handa ang komisyon sa anomang imbestigasyon.