Sinimulan na ng Kamara ang imbestigasyon kaugnay ng nangyaring pag-atake sa Resorts World Manila na ikinasawi ng tatlumpu’t walong (38) tao kabilang ang nag-iisang gunman.
Pinangunahan ng tatlong (3) committee ng Kamara ang pagdinig na ginaganap sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Kabilang din sa inimbitahan ang mga kinatawan ng PNP sa pangunguna ni NCRPO o National Capital Region Police Office Chief Director General Oscar Albayalde, PNP-SOSIA at Southern Police District.
Dumalo rin sa pagdinig sina Pasay city Mayor Antonino Calixto, mga representatives mula sa Resorts World Manila, NC Lanting Security Agency, Department of Tourism, Philippine Economic Zone Authority at PAGCOR.
Dalawang pangunahing usapin ang tinututukan sa pagdinig ng tatlong komite ng Kamara kaugnay sa naganap na pag-atake sa Resorts World Manila na ikinasawi ng mahigit tatlumpu (30) katao.
Ayon kay House Games and Amusement Committee Chairman Gus Tambunting, dapat masagot sa pagdinig kung ano ang security plans ng government agencies katuwang ang mga pribadong ahensya at pangangailangang maresolba ang problema sa gambling addiction o pagiging adik sa sugal.
Kailangan aniyang malinawan sa usapin ng seguridad ang security plan mismo ng Resorts World kung bakit nakapasok pa ang lone gunman na si Jessie Carlos kahit pa naka-ban na ito at kung may sapat bang awtoridad o pulis sa nasabing area.
Ipinabatid ni Tambunting na dapat mapagtuunan naman ng pansin sa isa pang concern ang responsible gaming dahil para sa kaniya ay hindi masama ang pagsusugal at nagiging destructive lamang ito kung napapabayaan na ang ibang obligasyon dahil sa pagkagumon sa sugal.
Sinabi pa ni Tambunting na dapat ding magamit ang kapangyarihan ng Kongreso para mabigyan ng sapat na tools ang security officials para maiwasan ang katulad na trahedyang nangyari sa Resorts World.
By Krista de Dios / Judith Larino/ with report from Raoul Esperas (Patrol 45)
Photo: SPD