Ipinagpaliban ng Sandiganbayan 3rd Division ang pagsisimula ng pagdinig sa plunder at graft case laban kay dating Senador Juan Ponce Enrile at tinaguriang “Pork Barrel Queen” Janet Lim Napoles.
Itoy matapos mabigo si Napoles na magtungo sa korte noong nakaraang linggo para lagdaan ang pre-trial order.
Naka-detalye sa pre-trial order ang mga ebidensya at mga testigo na ipi-prisinta ng prosecution at defense kaya’t kailangan itong mapagkasunduan at malagdaan bago simulan ang paglilitis.
Ayon sa Correctional Institute for Women (CIW), pinayuhan sila ng doktor na huwag dalhin sa korte si Napoles dahil mataas ang kanyang blood pressure.
Tila nairita naman ang mga hukom at kinuwestyon kung bakit tila nagkakasakit si napoles sa tuwing ipinatatawag sya ng korte.
Dahil dito, inatasan ng Sandiganbayan ang CIW na isumite ang health records ni Napoles sa nagdaang taon.
Muling itinakda bukas, February 12, ang pagsisimula ng paglilitis kung saan inatasan ng CIW na iprisinta si Napoles upang malagdaan ang pre-trial order.