Gumulong na ang imbestigasyon ng senado kaugnay ng kontrobersyal na pagkakapatay sa 17 anyos na binatilyong si Kian Loyd Delos Santos sa Oplan Galugad ng Philippine National Police (PNP) Caloocan City noong Agotso 16.
Pinangunahan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang pagdinig sa pamumuno ng chairman nito na si Senador Panfilo Lacson kung saan humarap ang tatlong pulis – Caloocan na nasasangkot sa pagkamatay ni Kian.
Kinilala ang mga inaakusahang pulis – Caloocan na sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at Jerwin Cruz.
Gayunman, tumanggi ang tatlong magsalita sa mga katanungan ng mga senador ay sinabing sa susunod na pagdinig sa oras na makakuha na sila ng sariling mga abogado.
Sa testimonya ni Chief Inspector Amor Cerillo, police community precinct commander ng operasyon kung kailan nasawi si Kian, lumabas sa kanilang isinagawang ballistic examination nagmula sa baril ni Oares ang bala na nakapatay kay Kian.
Inamin rin ni Cerillo na wala silang nakalatag na plano bago isinagawa ang Oplan Galugad kung kailan nasawi si Kian.
Sinabi naman ni Caloocan City Police Chief Senior Superintendent Chito Bersaluna na sa pamamagitan lamang ng social media nila kinumpirma ang pagkakaugnay ni Kian sa iligal na droga.
Kung saan inilarawan ito ni Senador Manny Pacquiao na napakababaw na dahilan.
Una nang ni-relieved sa pwesto sina Oares, Pereda at Cruz matapos na makatanggap ng mga negatibong reaksyon ang pagkakapatay ni Kian.