Umarangkada na ang talakayan ng Senate Committee on Constitutional Amendments kaugnay sa panukalang Charter Change sa pangunguna ni Senador Francis Pangilinan na Chairman ng komite.
Kabilang sa mga dumalo ang tatlong dating Supreme Court Justices na sina Reynato Puno, Hilario Davide at Artemio Panganiban, pati na si dating Senate President Nene Pimentel kasama rin ang mga dating miyembro ng 1987 Constitutional Commission.
Isa sa mga tinalakay sa pagdinig ay kung kailangan ba talagang amyendahan ang Saligang Batas.
Sa kanyang pahayag, tahasang tinawag ni dating Chief Justice Hilario Davide na isang ‘lethal experiment’ ang isinusulong na Federalism ng Duterte administration.
Giit pa ni Davide, wala siyang nakikitang dahilan para baguhin o amyendahan na ang 1987 Constitution kung saan kasama siya sa bumuo.
Pero kung sakali umanong ituloy ang Charter Change, dapat isagawa ito sa pamamagitan ng Constitutional Convention o Con-Con taliwas sa bersyon ng Kamara na Constituent Assembly o Con-Ass.
“I propose that the election for the members of the Convention be non-partisan, there should be no rush.”
Naniniwala naman si dating Senate President Aquilino Nene Pimentel, Jr. na kailangan nang amiyendahan ang Saligang Batas para ayusin ang istruktura ng gobyerno.
Sa kaniyang pagharap sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes and Laws, sinabi ni Pimentel na kahit sila na nag-apruba sa Local Government Code noong 1991 ay hindi nagawang i-decentralize ang kapangyarihan na nananatiling nakatuon lamang sa Metro Manila matapos na ring tumanggi ang mga pangunahing ahensya rito.
Gayunman, inihayag ni Pimentel na hindi naman kailangang baguhin ang mga magagandang probisyon ng konstitusyon.
Bagamat naniniwala naman si Pimentel na magandang paraan ang Con-Con o Constitutional Convention, masyado aniyang mahal ito kaya’t uubra na rin ang Con-Ass o Constituent Assembly na bagamat joint session ay dapat na magkahiwalay na boboto ang mga kongresista at mga senador.
Hinimok din ni Pimentel ang publiko na makiisa sa mga forum at dumalo sa public hearing at ipaabot ang kanilang mga opinyon sa isyu ng Charter Change.
Pabor din si dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno na maamiyendahan ang konstitusyon na aniya’y nagbalik ng demokrasya sa bansa.
Binigyang diin ni Puno sa pagdinig ng Senado sa isyu ng Cha-Cha na marami na ang nagbago hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo tulad ng mga teknolohiya at globalization kaya’t panahon nang ire-examine ang Konstitusyon ng bansa.
“A hybrid Constitutional Convention, hybrid because its composition will BE a mixture of elected and appointed delegates, of course should be non-partisan in character, political parties will be banned from putting up candidates, and so the delegates will be elected on the basis of their track record.” Pahayag ni Puno
House
Samantala sa panig naman ng Kamara ay wala nang makakapigil sa mga mambabatas na simulan na ang proseso nang pag-amyenda sa ilang probisyon sa Saligang Batas.
Tiniyak ito sa DWIZ ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman Roger Mercado matapos lumusot sa Kamara ang resolusyong naglalayong mag-convene ang Mababang Kapulungan bilang Constituent Assembly para masusugan ang konstitusyon.
Sinabi ni Mercado na mabubusisi na ng Kongreso ang mga probisyon sa Konstitusyon na kailangang amiyendahan kapag nakapag-desisyon na ang Senado sa kaparehong resolusyon ng Kamara.
“Tuloy-tuloy na po ang ating pagbasa, pagtingin sa ating Saligang Batas para kung anuman ang mga susuriin o babaguhin para maging karapat-dapat sa ating panahon ngayon, sa kabutihan ng paggawa ng mga programa para sa ating mga kababayan, ‘yan po ay ating gagawin.” Pahayag ni Mercado
–Arianne Palama/ Ratsada Balita Interview