Sinimulan na ng Senate Committee on Public Services ang pagdinig sa nangyaring aberya sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA matapos sumadsad sa runway ang eroplano ng Xiamen Air noong Agosto 16.
Kabilang sa mga dumalo sa pagdinig ang General Manager ng Xiamen Air na si Lin Huagun at iba pang kinatawan ng nabanggit na Chinese airline company.
Gayundin ang mga opisyal ng Department of Transportation sa pangunguna ni Secretary Arthur Tugade at Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal.
Dumalo rin sa pagdinig ang dating namumuno sa Committee on Public Services na si dating Senador Sergio Osmeña III.
Samantala sa kanyang opening statement, sinabi ni Senate Committee on Public Services Chairman Grace Poe na sentro ng pagdinig pananagutan ng Xiamen Air sa insidente, posibleng kapabayaan ng DOTr at MIAA at kakulangan ng iba pang mga private airlines sa kanilang mga pasahero.
Gayundin aniya ang mga kasalukuyang estado ng paliparan sa bansa partikular ang NAIA.
Muli namang humingi ng paumanhin si Transportation Secretary Arthur Tugade sa publiko partikular sa libu-libong pasaherong matinding naapektuhan ng pagsasara ng NAIA dahil sa pagsadsad sa runway ng eroplano ng Xiamen Air noong Agosto 16.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services sa nangyaring aberya sa NAIA, sinabi ni Tugade na kanilang ikinalulungkot ang inisidente na hindi rin anila ginusto.
Kasabay nito, iginiit ni Tugade na ginawa nila ang trabaho para maibalik sa normal ang operasyon ng paliparan sa kabila ng mga natanggap na kritisismo.
Pagdinig ng Senado ngayong umaga ukol sa NAIA runway mishap kamakailan, pinangungunahan ni Committee on Public Services Chair Senator Grace Poe | via @blcb pic.twitter.com/LWwfRju3iG
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) August 29, 2018
(Ulat ni Cely Bueno)