Magsisimula na sa Miyerkules ang pagdinig ng senado tungkol sa mga kinakain na prepaid load at iba pang reklamo sa mga telecommunication companies.
Ayon kay Senator Grace Poe, na chairperson ng Committee on Public Services, iimbitahan sa pagdinig ang mga kinatawan mula sa NTC o National Telecommunications Commission, Globe, Smart at iba’t ibang consumer groups.
May kaugnayan ang pagdinig sa Senate bill 848 o ang Proposed Prepaid Load Protection Act na layong pagbawalan ang mga telcos na lagyan ng expiration period ang prepaid load at iba pang load credits ng isang subscriber.
Giit ni Senator Poe, matagal nang reklamo ang mga kinakain na prepaid load kahit di naman ginagamit.
Kailangan na anya ng proteksyon ng mga consumer dahil hindi biro ang perang pinambibili ng load.