Pinaghahandaan na ng Senado ang kanilang magiging tungkulin bilang impeachment court oras na magsimula na ang pagdinig sa kaso ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel, bagamat wala pang pinal na napag-uusapan, isa sa kanilang napag-usapang suhestiyon ay ang paghati mula Lunes hanggang Martes bilang regular legislative session ng Senado.
Habang mula Miyerkoles hanggang Biyernes naman ang posibleng mga araw na kanilang gagawin ang impeachment trial.
Samantala, sinabi ni Pimentel na kabilang sa kanilang binabalangkas na amendment sa impeachment court rule ang pagbabawal sa mga senador na tumatayong impeachment judge na magpa-interview at magkomentaryo hinggil sa merito ng kaso.
Gayundin aniya ang pagbabawal sa mga miyembro ng prosekusyon at defense panel maging ang mga spokesperson at abogado na magpaunlak ng panayam para talakayin ang merito at bigat ng ebidensiyang kanilang inihain.
Dagdag ni Pimentel, hindi naman pagbabawalang magpa-interview basta ang tatalakayin lamang ay ang aktuwal na nangyari at hindi opinyon sa takbo ng paglilitis.
—-