Itinakda ni Senadora Grace Poe, chairman ng committee on public services sa January 14 ang pagdinig sa isyu at kontrobersiya sa operasyon ng mga motorcycle taxis.
Ayon kay Poe, kanyang hiningan ng report at update ang Department of Transportation (DOTr) hinggil sa resulta ng pilot testing para sa mga motorcycle taxis o mga motorsiklong ginagamit bilang pampublikong sasakyan na sinimulan noong Hunyo ng nakaraang taon.
Dagdag ni Poe, kanya ring pagpapaliwanagin ang DOTr sa pagtatakda ng capping o limitasyon sa bilang ng mga motorcycle taxis na maaari lamang pumasada.
Gayundin ang kinukuwestiyong ownership o pag-aari ng isa sa motorcycle taxi company.
Iginiit ni Poe, ikukunsidera ang magiging resulta ng pagdinig sa pagbuo naman ng pinal na panukalang batas para sa pagtatakda ng regulasyon sa operasyon ng mga motorcycle taxi.