Ipinagpaliban ng Senate Committee on Public Services ang nakatakdang pagdinig ng komite hinggil sa reklamo at isyu ng transport sector sa jeepney modernization program ng pamahalaan sa Huwebes, Disyembre 7.
Ayon kay Senador Grace Poe, chairman ng nasabing komite, ang pasya ay kasunod ng abiso ni Transportation Secretary Arthur Tugade na hindi siya makadadalo sa Huwebes.
Dagdag ni Poe, nakahanda siyang umapela sa mga transport groups partikular sa Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o PISTON kaugnay ng kanyang pasya dahil sa tingin niya ay mas mahalagang makaharap mismo ng mga ito si Tugade.
Samantala, muli namang itinakda ang public hearing sa Lunes ng susunod na linggo, Disyembre 11.
Nakiusap si Secretary Tugade na kung pwede iurong ‘yung hearing natin sa Lunes. Sinabi naman niya na magpapadala siya sana kung Thursday matutuloy ang hearing, ‘yung mga Undersecretaries niya pero ako na mismo nagdesisyon at aapela ako doon sa PISTON, sa isang grupo na sabihin ko naman ay ang layunin nila ay makaharap mismo si Secretary Tugade.
Kaya ako na mismo nagdesisyon na kung Lunes siya available, hindi ko siya pinakawalan eh.