Inalmahan ni Congressman Reynaldo Umali, Chairman ng House Committee on Justice ang mga batikos na moro moro lamang ang mahabang pagdinig na ginawa ng komite sa impeachment case laban kay Maria Lourdes Sereno dahil matagal na silang may konklusyon sa mga alegasyon laban sa Punong Mahistrado.
Ayon kay Umali, idinaan nila ang lahat sa tamang proseso at ibinigay nila ang pagkakataon kay Sereno na sumagot sa mga alegasyon.
Sa March 14, nakatakdang isumite sa Committee on Justice ang committee report na resulta ng 18 impeachment hearing na isinagawa ng komite.
Sinabi ni Umali na pagbobotohan muna ito sa komite at saka inila iaakyat sa plenaryo para pagbotohan ng lahat ng mga mambabatas ng Mababang Kapulungan.
Bagamat ikinakasa pa lamang ang committee report, inamin ni Umali na nagsisimula na silang bumuo ng 11-man prosecution team na siyang uusig kay Sereno sa impeachment trial sa Senado.
“They are playing to the people, ‘yung media eh, kaya lahat ginagawa nila para humina ang kaso at para mapaniwala nila ang taong bayan na bias kami, mahina ‘yung kaso.” Ani Umali
Matatandaang kahapon ay nakitaan ng sapat na batayan ng House Committee on Justice ang impeachment complaint laban kay Sereno.
Tatlumpu’t walo (38) na miyembro ng komite ang bumoto na mayroong sapat na batayan ang reklamo laban kay Sereno samantalang dalawa (2) lamang sa katauhan nina Representatives Kaka Bag-ao at Kit Belmonte ang nagsabing wala itong basehan.
(Ratsada Balita Interview)