Itinakda ng house committee on dangerous drugs sa Lunes, Marso a-uno ang kanilang pagdinig hinggil sa nangyaring shoot out sa pagitan ng mga miyembro ng PNP at PDEA sa Quezon City.
Ayon kay Surigao Del Norte Representative Robert Ace Barbers, chairperson ng komite, nananatiling malabo ang ilang impormasyon na inilabas kaugnay ng insidente.
Ani Barbers, marami pang lumalabas na anggulo at istorya kaya maging siya at miyembro ng pinamumunuan niyang komite ang naguguluhan sa tunay nangyari noong gabi ng ika-24 ng Pebrero.
Dagdag ng mambabatas, isang malaking katanungan aniya na kailangang sagutin ay kung bakit nagkaroon pa rin ng engkuwentro sa pagitan ng PNP at PDEA kung kapwa sumunod ang ito sa protocols.
Una nang iginiit ng PNP at PDEA na lehitimo ang ikinasa nilang operasyon kontra iligal na droga.
Itinanggi na rin ng PDEA ang pinalutang na anggulo ng pulisya na posibilidad na “sell-bust” o kunwaring pagbebenta ng ilegal na droga ng awtoridad para targetin ang mga taong bibili ng mga ito.