Welcome sa Philippine National Police (PNP) ang pagdiriin kay Julian Ongpin dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, patunay lamang na umiiral pa rin ang rule of law kung saan pantay-pantay ang bawat Pilipino sa mata ng batas.
Matatandaang inihain na ang kasong kriminal laban sa anak ng negosyanteng si Roberto Ongpin na si Julian dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Si Julian ay itinuturing ding person of interest sa pagkamatay ng kaniyang nobya na si Bree Jonson matapos matagpuang wala nang buhay sa loob ng kanilang silid sa isang hotel resort sa La Union nitong nakalipas na buwan.
Nahaharap ngayon ang batang Ongpin sa Republic Act 9165 o paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 pero pinalaya rin salig sa kautusan ng La Union Provincial Prosecutor’s Office.
Pinangunahan ng Department of Justice ang pagsasampa ng kaso laban kay Ongpin na isang non-bailable offense sa Regional Trial Court ng San Fernando, La Union.—sa panulat ni Angelica Doctolero — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)