Sinabayan ng magkakahiwalay na kilos protesta ang pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan ngayong araw na ito.
Sumugod ang grupong Pinas o Pilipinong Nagkakaisa Para sa Soberenya sa Chinese Embassy sa Edsa Buendia para kondenahin ang aktibidad ng China sa West Philippine Sea.
Nagtipon din ang grupo sa harap ng US Embassy para ipanawagang huwag nang lumahok ang Amerika sa hidwaan para iwasang umigting ang tensyon at hindi na mauwi sa digmaan.
Kontra rin ang PINAS sa planong VFA o Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Japan para mapalakas ang pagbabantay sa West Philippine Sea.
Kasabay nito, binulabog din ng hiwalay na grupo ng mga raliyista ang talumpati ni Camarines Sur Congressman Leni Robredo na nanguna sa pagdiriwang ng Independence Day sa Kawit, Cavite.
Dinala na sa presinto ang 10 militante na nagsisisigaw sa pagsisimula ng talumpati ni Robredo para igiit ang pagpapatalsik sa Pangulong Noynoy Aquino dahil sa huwad na kalayaan sa bansa.
Nagkaisa naman ang iba’t ibang grupo sa Occidental Mindoro sa pagtutol sa pagmimina sa libu-libong ektarya ng water shed at ancestral domain sa lalawigan.
By Judith Larino