Pinaalalahanan ng Civil Service Commission (CSC) ang mga Civil Servant na gawing simple at tiyaking ligtas ang mga pagdiriwang, gaya ng mga Christmas party ngayong holiday season.
Ito’y sa kabila ng patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 at banta ng Omicron variant nito.
Ayon kay CSC Chairperson Alicia Dela Rosa-Bala, pinapayagan ang mga pisikal na pagtitipon alinsunod sa kasalukuyang polisiya ng Inter-Agency Task Force.
Gayunman, mas ligtas anya ang mga “virtual celebration” basta’t kailangan lamang maging malikhain upang mas ma-enjoy ito kahit walang face-to-face interaction.
Binigyang-diin ng CSC na malaki pa rin ang dulot na panganib ng pisikal na pagtitipon at maaaring maka-apekto sa pagbibigay-serbisyo sa publiko sakaling tamaan ng virus ang empleyado.