Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) na pangkalahatang naging mapayapa sa kabuuan ang pagdiriwang ng Independence Day sa buong bansa.
Ayon kay PNP chief P/Gen. Archie Gamboa, batay aniya ito sa ginawa nilang pagtutok sa buong maghapon mula sa PNP Command Center sa Kampo Crame.
Bagama’t may ilang insidente ng habulan at girian sa pagitan ng mga pulis at rallyista, maituturing itong isolated at sa kabuuan ay wala namang naaresto.
Boluntaryo at maaga din aniyang nagdisperse ang mga nag-rally sa UP Diliman, De La Salle University; St. Ignatius Quezon City; Santiago City, Isabela, Baguio City, Legazpi City at , Metro Colon sa Cebu City.
Nagpasalamat naman si Gamboa sa publiko sa pagtalima sa panawagan ng PNP na iwasan ang mass gatherings bilang pagiingat sa pagkahawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Gamboa na nananatiling naka-deploy ang mga tauhan ng PNP sa mga lugar na kalimitang pinagdarausan ng pagtitipon para ipatupad ang mga quarantine regulations ng IATF.