Tinatayang 10K katao ang dumagsa sa “Lakbayaw” o Lakbay at Sayaw bilang bahagi tradisyunal na prusisyon kasabay ng pagdiriwang ng pista ng Sto. Niño De Tondo sa Maynila.
Pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang pagdiriwang ng nasabing kapistahan, kahapon.
Ito ang unang beses na muling nasilayan ang lakbayaw matapos ang dalawang taong mahigpit na Covid-19 restrictions.
Matapos ang misa sa simbahan ng Tundo, 12 dance groups ang nag-perform sa Lakbayaw Dance Competition.
Dinumog naman ng mga deboto ang prusisyon bitbit ang kani-kanilang imahen ng Sto. Niño na iwinagayway kasabay ng sigaw ng Viva Pit Señor.
Samantala, inihayag ng Manila Police District na pangkalahatang naging mapayapa rin ang kapistahan at walang naitalang anumang insidente.