Bukas para sa lahat ang pagdiriwang sa ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ayon kay Commissioner Pastor Boy Saycon, ng EDSA People Power Commission, isang malayang bansa ang Pilipinas kaya’t pinayagan nila ang lahat ng grupo na gustong maglabas ng kanilang saloobin at hinaing sa mapayapang paraan.
Binigyang diin ni Saycon na walang kulay pulitika ang people power at hindi rin ito kumikilala kung maka-kaliwa, kanan o anong direksyon ang isang grupo.
Gayunman, hindi maiwasan ni Saycon ang manghinayang dahil sa kabiguan aniya ng mga Pilipino na isapuso ang mga natutunan natin sa People Power Revolution.
“What our good eminence Jaime Cardinal Sin once said, nawala na ‘yung tiwala natin sa Diyos, ang sabi naman ni Ramos, where is sharing and loving? Because everybody was sharing and loving in those three glorious days, bakit naging three na lang hindi natin itinuloy-tuloy ng 32 years?” Ani Saycon.
‘Security preparation’
Samantala, kasado na ang seguridad para sa huling dalawang araw ng paggunita sa ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ayon kay Chief Superintendent Guillermo Eleazar, Hepe ng Quezon City Police District o QCPD, isang libo limandaang (1,500) pulis ang kanilang ipakakalat mga lugar kung saan inaasahang magra-rally ang iba’t ibang mga grupo.
Pinaalalahan ni Eleazar ang mga raliyista at mga dadalo sa pagtitipon sa EDSA People Power Monument na hindi nila papayagan ang pag-okupa ng mga ito sa EDSA.
“As long as EDSA will not be occupied okay naman po ‘yun, tino-tolerate natin ‘yun, ‘yung White Plains Avenue or street ay ibinibigay natin sa mga nais mag-rally sa mga oras na pinag-usapan, papayagan natin ‘yang mga protest rally as long as hindi maaapektuhan ang EDSA, magde-deploy po tayo.” Pahayag ni Eleazar
(Ratsada Balita Interview)