Ipinagtanggol ni Finance Secretary Ben Diokno si Pangulong Bongbong Marcos matapos itong magduda sa panibagong datos ng gobyerno pagdating sa bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin o inflation rate.
Ipinaliwanag ni Diokno na mali lang ang pagkaka-intindi sa pangulo hinggil sa iniulat ng Philippine Statistics Authority na 6.1% inflation rate noong Hunyo.
Sa katunayan anya ay tinutukoy ni Pangulong Marcos ang full year figure gayong ang aktuwal na inflation rate simula enero hanggang hunyo ay aabot lamang sa 4.4%.
Buwan-buwan anyang mayroong projection ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng inflation rate.
Ipinunto ni Diokno na pasok pa rin sa forecast ng BSP na 5.7% ang 6.1% inflation rate para sa Hunyo at gaya ng kanyang naunang binanggit ay nasa 4.4% ang average inflation mula Enero hanggang Hunyo.
Iginiit ng kalihim na tama naman ang pangulo sa pahayag nitong ang kasalukuyang mataas na inflation ay nararanasan din sa ibang panig ng mundo gaya sa indonesia na umakyat ang overall inflation sa 4.4% noong Hunyo kumpara sa 3.6% noong Mayo.