Mariing kinondena ng Militar ang nangyaring pagdukot at pagpatay ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army o NPA sa 3 sibilyan sa bayan ng Palanas, Masbate noong isang linggo.
Ayon kay Maj. John Paul Belleza, Tagapagsalita ng Army’s 9th Infantry Division, labis nilang ikinalulungkot ang karumal-dumal na pagpatay ng mga rebelde sa mga walang malay na sibilyan.
Batay aniya sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na inakala ng mga rebelde na impormante ng Militar ang 3 sibilyang kanilang dinukot at pinatay.
Agosto a-14 nang dukutin ng may 30 NPA sina Jose Lalaguna ng Brgy. Tugbo, Jestoni Lalaguna at Joey Lalaguna na kapwa residenteng Brgy. Asid habang sakay ng kanilang motorsiklo matapos harangin habang binabagtas ang kahabaan ng national road sa Brgy. Maibas.
Kinahapuanan, natagpuan ang labi nila Jose at Jestoni sa kalsada ng Brgy. Piña habang sa isang purok sa Umawas, Brgy. Maibas naman natagpuan ang labi ni Joey makalipas ang 30 minuto kung saan ay tadtad ng tama ng bala ng baril ang kanilang katawan.
Giit ni Belleza, hindi lamang nilabag ng mga rebelde ang batas ng Pilipinas kungdi maging ang International Humanitarian Law at ang rules of engagement na huwag idadamay ang mga sibilyan sa kanilang armadong pakikibaka.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)