Karapatan ng sinumang complainant ang pagpili kung saan nito nais magsampa ng reklamo laban sa mga opisyal ng pamahalaan.
Ito ang ginawang paglilinaw ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre makaraang sa DOJ o Department of Justice piniling dumulog ng kampo ni Janet Lim Napoles kaugnay sa maanomalyang Pork Barrel Fund Scam.
Magugunitang kabilang sa mga idinawit ni Napoles sa nasabing anomalya ang mga miyembro ng oposisyon na sina Senador Franklin Drilon, Antonio Trillanes, ang nakakulong na si Senadora Leila de Lima at dating Budget Secretary Florencio Butch Abad.
Ayon sa kalihim, mayruong nilagdaang Memorandum of Agreement ang DOJ at ang Ombudsman hinggil sa concurrent jurisdiction sa mga inirereklamong opisyal ng gubyerno kaya’t maaari pa ring isampa sa kanila ang reklamo.
Sakali aniyang mapatunayan ng DOJ na may sapat na batayan ang isinampang kaso laban sa mga inirereklamong opisyal, sinabi ni Aguirre na kanila iyong i-aakyat sa Ombudsman para sa mas malalimang imbestigasyon.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo