Mas matinding dusa pa ang naghihintay sa mga commuters at motorista mula ngayon hanggang sa pagtatapos ng APEC Summit sa Biyernes.
Ibinabala ito ni Chief Supt. Arnold Gunnacao, hepe ng Highway Patrol Group, matapos na ma-istranded at maglakad ang libo-libong commuters sa unang araw ng APEC Week.
Ayon kay Gunnacao, nagsisimula nang magdatingan ang mga APEC leaders at sa bawat biyahe nila ay isasara ng 30 minuto ang NAIA Road bago sila umalis sa paliparan.
Ipinaliwanag ni Gunnacao na walang aasahang saklolo ang mga commuters na mai-istranded sa mga panahong ito dahil nagbigay na sila ng sapat na advisory hinggil sa mga sarado at apektadong mga kalsada.
“Kasi naghahanap po sila ng mga sasakyan, kahit po magpadala kami ng sasakyan hindi rin po makakalusot kasi hindi din padadaanin, hanggang Biyernes po yan, hanggang Biyernes po ang pagdurusa natin kaya magtiyaga po tayo, tiisin po natin, sa mga may trabaho po ay planuhin niyo po ang ruta na dadaanan ninyo, ang importante po ay alam ninyo ang lugar na hindi gumagalaw ang trapiko dahil parang halos sarado po siya.” Pahayag ni Gunnacao.
By Len Aguirre | Ratsada Balita