Kinondena ng Council for the Welfare of Children ang House Bill 505 o panukalang babaan sa 9-taong gulang ang edad ng mga batang maaaring panagutin sa mga kasong kriminal.
Ayon kay Jhie Mojica, planning officer ng naturang ahensya, sinusuportahan nila ang mga grupong sumasalungat sa nabanggit na panukala.
Pansamantala lamang aniyang solusyon ang pagbaling ng sisi sa mga bata hinggil sa tumataas na bilang ng kriminalidad sa bansa.
Mas mainam aniyang tukuyin ng gobyerno ang tunay na problema at sitwasyon kung bakit nagagamit sa mga masamang gawain ang mga kabataan.
“Sinasabi namin na ito ay isang short-solution na ang patungkol ay ang pag-blame sa mga bata rather than ma-address natin ang talagang problema bakit nagkakaganito ang mga batang ito.” Ani Mojica
‘PARENTING’ NAIS PAIGTINGIN NG COUNCIL FOR THE WELFARE OF CHILDREN
Naniniwala ang Council for the Welfare of Children na may iba pang pangmatagalang solusyon para matigil ang pabata nang pabatang mga nasasangkot sa paggawa ng krimen.
Ito’y kaugnay sa panukalang babaan sa 9-taong gulang ang edad ng mga batang maaaring panagutin sa mga kasong kriminal.
Ayon kay Jhie Mojica, Planning Officer ng naturang ahensya, naniniwala sila na ang pagpapaigi sa “parenting” ang isa sa mga maaaring solusyon para maiwas ang bata sa paggawa ng masama.
Mananatili pa rin aniyang katotohanan na ang matibay na paggabay ng magulang ang solusyon upang hindi na mamulat pa ang mga kabataan sa karahasan.
“Ang isang istratehiya diyan is more of parenting, pag-igihin ang parenting sa mga bata, it’s still a fact na kapag ang bata ay hindi ganun katibay ang pag-guide ng magulang, mahirap po ‘yun, maliligaw at maliligaw siya ng landas, aminado rin po kami na ang technology has really advanced.” Pahayag ni Mojica
Ratsada Balita (Interview)