Inihayag ni Chief Justice Alexander Gesmundo na ‘real-time’ na paghahatid ng hustisya para sa mga Pilipino ang pinakalayunin ng mga bago at napapanahong programa sa hudikatura sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Sa kanyang talumpati sa ika-130 anniversary celebration ng Philippine Bar Association (PBA) sa Makati City, sinabi ni Gesmundo na ang real-time na hustisya ay hindi lamang pantay, patas, transparent, accountable, at inclusive kundi ito rin ay may kakayahang sumabay sa mga pagbabago sa teknolohiya.
“In line with our efforts towards a technology-driven Judiciary, we have decided to allow the conduct of all court proceedings through videoconferencing even after the end of the (Covid-19) pandemic,” wika ni Gesmundo.
Nabatid na ang “Virtual Hearings and Electronic Testimony Committee” ng Korte Suprema ay pinag-aaralan at binubuo na rin ang mga magiging panuntunan para maging tuluy-tuloy na ang mga pagdinig ng kaso sa pamamagitan ng videoconferencing kahit pa matapos ang pandemya.
Ang videoconferencing ay “live, visual connection between two or more remote parties over the internet that simulates a face-to-face meeting.”
Bunga nito, ang mga Pinoy, lalo na ang mga nasa malalayong probinsya, ay hindi na mahihirapan pang gumastos sa pamasahe at bumiyahe nang matagal para lang magkaharap-harap at makamit ang kanilang hustisya.
Naniniwala si Gesmundo na mabakante man ang mga korte ng mga tao ay para na rin ito sa ikabubuti ng lahat upang mas mapabilis at mas mapaghusay pa ang mga legal na serbisyo para sa lahat ng mamamayan.
Bukod dito, maging ang mga kababayang Muslim at pati na rin ang mga tinatawag na “refugee” at “stateless person” ay ilan lamang sa mga grupo na sinisiguro ng hudikatura na magkaroon ng “access” hindi lang sa mga impormasyon, pati na rin sa mga pinaghusay pang “legal aid initiatives” nito.
Nabanggit ng punong mahistrado na magkakaroon ng “National Summit on Legal Aid” at “National Summit on Clinical Legal Education”.
Kasabay nito, hinimok ni Gesmundo ang PBA, ang pinakamatandang voluntary organization ng mga abogado sa bansa mula pa noong 1891, na suportahan ang mga ginagawang reporma ng Kataas-taasang Hukuman.
“I hope that the Court can also count on you to push for both the adoption of these reforms in the judiciary, and the adaptation of your peers in the profession to innovations and technological advances. I urge you to invest in the skills and resources needed to enable the shift that we envision,” dagdag ng Punong Mahistrado.
Maliban kay Gesmundo, dumalo rin sa event sina Justices Ramon Paul Hernando, Rodil Zalameda, Jhosep Lopez, at Jose Midas Marquez.