Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang malalabag na karapatang pantao sa sandaling magpasya na si Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad na ang batas militar.
Ito’y ayon sa AFP ay sa harap na rin ng sunud-sunod na mga pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa mga sundalong nagtitiyak ng seguridad sa pamamahagi ng tulong sa gitna ng giyera ng bansa kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay AFP Spokesman, Marine B/Gen. Edgard Arevalo, ang naging banta aniya ng Pangulo ay bunga ng pagkadismaya nito sa aniya’y patuloy na pagsira ng mga rebelde sa kaayusan sa gitna ng pandemya.
Gayunman, sinabi ni Arevalo na kanilang bibitbitin ang mga aral na kanilang natutunan sa pagpapatupad ng martial law sa Mindanao sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa mula sa mga grupong nagtatangkang wasakin ito.
Sa gitna ng mga panlilinlang ng NPA sa taumbayan gamit ang propaganda, tiniyak ng AFP na may inihananda na silang ibang istratehiya na siyang makasusupil sa mga rebelde na nais agawin sa mamamayan ang ayudang nakalaan para sa kanila.