Asahan na ang panibagong paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ito’y makaraang kumpirmahin ng Department of Trade and Industry (DTI) na napasó na noong July 9 ang nationwide price freeze sa basic necessities.
Ayon kay Undersecretary Ruth Castelo, ng DTI-Consumer Protection Group, ibinebenta na sa ngayon ang basic necessities sa kanilang suggested retail prices base sa September 30, 2019 list.
Sa Proclamation 1143 simula May 10 Hanggang July 9, ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay isinailalim sa automatic price control dahil sa African Swine Fever Outbreak.
Bagaman wala ng price freeze, tiniyak ni Castelo sa publiko na babantayan ng kagawaran ang mga manufacturer at retailer upang masigurong makatao ang kanilang presyo at stable ang supply sa merkado.
Kabilang sa basic necessities ang instant noodles, mga de lata tulad ng sardinas at corned beef, kape, suka, toyo, patis, tinapay, asin, sabong panglaba at pangligo. —sa panulat ni Drew Nacino