Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng limang rapid test kits para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Gayunman, ipinaliwanag ni Dr. Eric Domingo, hepe ng FDA, kailangang doktor pa rin ang gagawa ng tests at kailangan pa rin ang confirmatory tests mula sa mga laboratoryo.
Nilinaw ni Domingo na hindi direktang nasusuri ng rapid test kits ang COVID-19.
Sinusukat anya nito ang antibodies sa katawan ng isang tao na lumalabas kapag may impeksyon ang katawan.
Ito anya ang dahilan kaya’t puwedeng maging false positive o false negative ang resulta ng tests kaya’t dapat pa ring iproseso sa laboratoryo.
Ipinaliwanag ni Domingo kung paano nagiging false negative ang isang pasyente.
Kaya maaaring false negative ang resulta ng rapid test kit kung nakuha lang ng tao ng sample sa panahong hindi pa sya nagkakaroon ng antibodies laban sa COVID-19. Sa ganitong pagkakataon, ang test po ay makikita natin na negative pero may virus na sa katawan ang tao, wala palang syang antibody. Kaya ang negative na resulta ay hindi nakakasiguro na ang isang tao ay wala pong impeksyon na nagdudulot ng COVID-19, kailangan pa rin po ng social distancing,” ani Domingo.
Samantala, ipinaliwanag rin ni Domingo kung bakit maaari ring maging false positive ang resulta ng pagsusuri na ginamitan ng rapid test kits.
Meron din po tayong tinatawag na false positive, ibig sabihin po, may nadetect o nakitang antibody ang test kit at lumabas na positive ang resulta, pero walang COVID-19 ang pasyente. Ito po ay dahil maaaring magkaroon ng cross reaction ang test kit sa mga antibody galing sa sakit na sanhi ng ibang bacteria o virus,” ani Domingo.