Mahigpit na kinokondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang paggamit sa mga kabataan bilang mga sundalo sa isang armadong labanan.
Ito ay matapos matukoy ng 23rd Infantry Battalion na isang menor de edad ang nasawing miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa nangyaring engkuwentro sa Gingoog City, Misamis Oriental noong nakaraang Lunes, December 2.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline De Guia, kinilala ang nasawing NPA member na si Litboy Talja Binongcasan, 16 anyos at grade six student mula sa Sitio Sioan elementary School.
Iginiit ni De Guia, hindi kailanman mabibigyang katwiran ang aniya’y kasuklam-suklam na gawain ng paggamit ng mga child warriors.
Aniya, dapat nirerespeto maging ng mga non-state armed group ang pagbabawal sa pagrerecruit at paggamit ng mga kabataan sa anumang klase ng labanan o giyera, alinsunod na rin sa isinasaad ng International human rights and humanitarian law.
Tiniyak din ni De Guia na kanilang iimbestigahan ang insidente kasabay ng pagpapaalala sa lahat ng mga armadong grupo na isang uri ng war crime ang paggamit ng mga batang sundalo.