Aminado ang DICT o Department of Information and Communications Technology gayundin ang PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency na hirap silang mapasok ang mga high-tech na paraan sa pagbebenta ng iligal na droga.
Ito’y makaraang matuklasan sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs na gumagamit umano ng dark net o iba pang lebel ng worldwide web na hindi basta-basta napapasok ninuman para makapaghatid ng kanilang mga kontrabando.
Ayon kay PDEA Dir/Gen. Aaron Aquino, kulang sila sa kakayahang teknikal gayundin ng forensic capability para mabuksan ang dark net para mahuli ang sinumang nasa likod ng mga iligal na transaksyon.
Gumagamit aniya ng mga pekeng impormasyon ang mga sindikato tulad ng pekeng account, prepaid numbers at gumagamit din sila ng bitcoin bilang pambayad sa kanilang transaksyon at saka kukunin ang serbisyo ng mga TNC’S o Transport Network Companies.