Tinawag na overkill ni Senadora Imee Marcos ang kautusang mandatory o sapilitang pagsusuot ng face shields maliban pa sa facemasks sa mga pampublikong transportasyon at lugar ng trabaho.
Ayon kay Marcos, walang bansa ang nagrerekomenda ng sabay na paggamit ng face shield at face mask maliban kung nasa loob ng mga ospital.
Iginiit ng Senadora, dapat isapubliko ang mga importer at lokal na supplyer ng mga face shields at tukuyin ang posibleng koneksyon ng mga ito sa mga opisyal ng Department of Health (DOH), Transportation (DOTr), at Trade and Industry (DTI).
Binigyang diin ni Marcos, maliban sa hindi kumportable ang pagsusuot ng face shield, posibleng maging sanhi ito ng suffocation o hirap sa paghinga ng mga may high blood pressure, sakit sa puso, o asthma kung kasabay ng face mask.
Dagdag ni Marcos, hindi rin aniya epektibo ang face shield sa laban sa pagiging airborne ng coronavirus dahil bukas din ang mga gilid nito.