“Itigil n’yo na ‘yan!”
Ito ang muling babala ni National Capital Region Police (NCRPO) Chief Major Gen. Debold Sinas sa mga pulis na posibleng gumagamit ng mga narekober na sasakyan mula sa iba’t ibang operasyon ng pulisya.
Ang pahayag ay ginawa ni Sinas kasunod ng ginawa nitong pagsibak sa isang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa paggamit ng umano’y “hot car” o nakaw na sasakyan.
Ayon kay Sinas, si Police Master Sergeant Danilo Pacurib ay namataan ng mga ahente ng QCPD Highway Patrol Team habang nagmamaneho ng isang itim na kotse na nagtataglay ng improvised na plaka sa Commonwealth Avenue noong Oktubre 16.
Ngunit sa isinagawang verification ng PNP-Highway Patrol Group, natuklasan na nakaalarma ang nabanggit na sasakyan at sinasabing inagaw mula sa may-ari nito sa Sta. Rosa, Laguna noon pang Hunyo 22, 2016.
Sasampahan si Pacurib ng mga kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Law at Anti-Fencing Law.