Inirekomenda na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagkakaroon ng Integrated QR Code System upang makontrol ang bilang ng mga turistang bumibisita sa isla ng Boracay, sa Malay, Aklan.
Ito’y makaraang lumampas sa carrying capacity ang mga turistang dumagsa sa isla noong Semana Santa o umabot sa 21,011 noong April 14 at 22,278 noong April 15 kumpara sa kapasidad na mahigit 19,000 lamang.
Kinukumbinsi naman ng DENR ang Departments of Tourism, Interior and Local Government at mga lokal na pamahalaan ng aklan na magkaroon ng real-time monitoring system upang malaman ang bilang ng mga turistang mabibigyan ng QR code sa partikular na petsa.
Ayon kay DENR Undersecretary for Policy, Planning and International Affairs, Atty. Jonas Leones, inirerekomenda rin ng ahensya ang pagsusuri ng data ng airline at shipping passengers maging ng mga hotel accomodation upang maiwasan ang overbooking.
Inatasan din ang Ecosystems Research and Development Bureau ng DENR na pag-aralan ang posibilidad na dagdagan ang carrying capacity sa isla.
Gayunman, anuman anya ang mabubuong polisiya ay dapat na nakabatay pa rin sa siyensya.