Iminungkahi ng isang eksperto sa Department of Agriculture (DA), ang paggamit ng kamote bilang pamalit sa kanin at frenchfries upang mapalakas ang produksiyon nito sa bansa.
Ayon kay House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin, ang paggamit ng kamote ay nakapagbibigay ng dagdag nutrisyon na tutugon sa problema sa kakulangan ng bigas.
Iginiit ni Garin na dapat bigyan ng insentibo ang mga restaurant at karinderya sa buong bansa na gumagamit ng kamote bilang alternatibo sa kanin at french fries.
Sinabi ni Garin na mas magugustuhan ng mga Pinoy ang kamote kung may food option sa mga menu ng mga restaurant at karinderya.
Nabatid na ang Pilipinas ay may malaking produksyon ng kamote na itinuturing na super food sa pang araw-araw na diet ng mg tao pero isinasantabi lamang ito.
Una nang nagsimulang gumamit ng kamote ang ibat ibang mga bansa sa buong mundo kabilang na ang South Korea, Japan at Estados Unidos para maiwasan ang sobrang pagkain ng kanin dahil nako-convert ito bilang sugar na nagreresulta naman sa diabetes.
Samantala, pinayuhan din ni Garin ang DA na gumawa ng mga programang magpapataas sa produksyon ng kamote sa bansa.