Ipinanawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang “conscientious” o paggamit ng konsensya sa paggastos ng P6.326-trillion pesos 2025 national budget.
Sa kanyang veto message na ipinadala kina Senate President Chiz Escudero at House Speaker Martin Romualdez, sinabi ni PBBM na ito ang magiging daan sa pagpapanatili ng high-growth trajectory ng bansa at patuloy na pagkontrol sa inflation rate.
Kaakibat ito ng pagpapabilis ng targeted social services at structural reforms na nakatuon sa pagkakamit ng medium-term goals tulad ng pagpapababa ng poverty incidence o kahirapan, unemployment rate, at pag-angat ng bansa sa upper middle-income status.
Iginiit ng Pangulo na bagama’t marami nang nakamit ang pamahalaan, mahaba pa rin ang pagdaraanan upang makamit ang inklusibo, sustainable, at future-proof na ekonomiya.
Kaugnay nito, isinulong naman ni pangulong marcos, ang paggamit sa 2025 budget nang walang balakid, at nakatutok sa misyong pasiglahin ang ekonomiya at baguhin ang lipunan tungo sa isang bagong Pilipinas na tutugon o tutupad sa mga pangangailangan at mithiin ng bawat Pilipino.