Pag-aaralan na sa Pilipinas ang posibilidad ng pagamit ng saliva samples o laway sa halip na pagpapaswab sa ilong at lalamunan para sa COVID-19 test.
Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), kanilang popondohan ang pag-aaral sa nabanggit na technique ng pagsusuri sa COVID-19 ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Kasunod naman ito ng pasiya ng Estados Unidos na payagan ang saliva samples para sa emergency use sa pag-diagnose sa COVID-19.
Ayon kay DOST Philippine Council for Health Research and Development executive director Dr. Jaime Montoya, hindi pa sila nakatitiyak kung posibleng magamit ito sa Pilipinas lalu’t ang mga isinagawang pag-aaral sa ibang bansa ay limitado lamang.
Aniya, aabutin ng P18 milyon ang gagastusin para sa pag-aaral kung saan nasa 200 mga suspected COVID-19 cases ang isasalang sa pagsusuri na kapwa gamit ang laway at swab samples.
Sinabi ni Montoya, mas madali at hindi nakakaasiwa ang paggamit ng saliva samples pero mas sensitibo pa rin ang swab test batay na rin sa mga naunang datos.