Tiyak na hindi magagamit sa pagpapalakas ng pwersa ng mga dating rebeldeng grupo ng mga Muslim ang budget na ibibigay ng gobyerno sa Bangsamoro Government na lilikhain sa ilalim ng panukalang Bangsamoro Basic Law.
Ayon kay Senador Koko Pimentel, nagpasok sila ng probisyon sa panukalang BBL na hindi maaaring bumawas ng pambili ng baril mula sa taunang budget ng Bangsamoro Government.
Ang probisyon ay ipinapasok sa BBL ni Senador Antonio Trillanes na dating sundalo.
Wala anyang Senador na tumutol at kahit ang mga miyembro ng Bangsamoro Transition Commission na karamiha’y leader ng Moro Islamic Liberation Front na bumalangkas ng BBL ay sumang-ayon din.
Iginiit naman ng BTC na wala namang balak ang MILF na magpalakas ng pwersa at mag-aklas laban sa pamahalaan dahil pumasok na ito sa peace agreement at sa katunayan ay magsusuko pa sila ng mga baril sa gobyerno.