Pinag-iisipan ng Department of Transportation (DOTR) ang paggamit ng mobile QR code tickets bilang paraan ng pagbabayad ng pamasahe sa tren bilang pagtugon sa posibleng kakulangan sa beep cards.
Sinabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Hernando Cabrera na isa sa mga tinitingnan nilang solusyon ay ang paglalagay ng machine sa mga istasyon kung saan pwedeng i-extend ng mga commuters ang expiration date ng mga beep cards ng hanggang isang taon.
Tiniyak din ng opisyal ang publiko na kung magkaubusan man ng beep cards ay maaari pa rin silang maka-avail ng single journey beep cards.
Hindi naman aniya maaaring mag mass avail ng single journey tickets dahil kailangan itong magamit sa loob ng dalawang oras.
Matatandaang una na itong ipinanukala noong nakaraang taon ng ilang railway officials na sina Cabrera at Attorney Celeste Lauta na Assistant General Manager ng Philippine National Railways (PNR). – sa panulat ni Hannah Oledan