Kapos na sa panahon si Pangulong Rodrigo Duterte upang maisakatuparan ang layuning magkaroon ng nuclear energy ang bansa.
Ito ang inihayag ng Public Policy Think Tank na Infrawatch PH makaraang lagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order 164 upang i-develop ang nuclear program at isama sa alternatibong energy source ng bansa.
Ayon kay Terry Ridon, Convernor ng Infrawatch PH, mahirap nang maipatupad ang naturang kautusan lalo’t tatlong buwan na lamang ang nalalabi sa termino ni Pangulong Duterte.
Nasa kamay na anya ng susunod na pangulo kung isasama o hindi ang nuclear program sa future energy mix ng bansa.
Ipinunto naman ni Ridon na maraming dapat ikunsidera sa pagkakaroon ng nuclear energy, tulad ng gastos sa maintenance ng nuclear power plant at epekto nito sa kapaligiran.