Hinimok ng Energy Regulatory Commission (ERC) kay President-elect Bongbong Marcos Jr. ang pagdaragdag ng Nuclear Energy sa power mix ng bansa na maaari aniyang magpababa sa singil sa kuryente.
Ayon kay ERC Chairperson Agnes Devanadera hindi naman kailangan na ang Bataan Nuclear Power Plant ang gamitin na aniya’y pagkalaki-laki, meron naman aniyang modular na mas madaling itayo.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Devanadera ang susunod na administrasyon na ang paglalagay ng mga bagong mapagkukunan ng enerhiya tulad ng Nuclear Power ay maaaring tumagal ng mahabang panahon, kaya kailangan ang demand-side management.
Matatandaang, nangako si Marcos Jr. at Vice President-elect Sara Duterte na pabilisin ang adoption ng bansa sa Nuclear Power upang mapababa ang singil sa kuryente
Ito’y matapos maglabas ng Executive Order si Pangulong Rodrigo Duterte na nagtatakda sa Nuclear Power bilang mapagkukunan ng enerhiya kasama ng iba pang alternatibong mapagkukunan ng enerhiya sa bansa.