Inamin ni Energy Secretary Alfonso Cusi na dadaan pa sa maraming pag-aaral ang paggamit ng nuclear power plant bilang isa sa posibleng pagkunan ng supply ng kuryente.
Sa isinagawang budget deliberations ng Kamara sinabi ni Cusi na patuloy na tinututukan ng Inter Agency Committee na binuo ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aaral sa Nuclear Power Program.
Isa lamang aniya ang nasabing programa na kinukunsider sa paghahanap ng mapagkukunan ng enerhiya para matiyak ang energy security sa bansa.
Hindi naman kumbinsido si Bayan Muna Party-list Representative Eufemia Cullamat na makakabuti para sa consumers ang paggamit ng nuclear power plant.
Bukod sa peligrong dulot nito inihayag ni Cullamat na magpapalala lamang ang nuclear power program sa dependency ng Pilipinas sa importation ng energy source.
Katulad ng coal at gas aangkatin din mula sa ibang bansa ang uranium na gagamitin para sa pagpapatakbo ng nuclear power plant.