Umani ng kaliwa’t kanang batikos ang larawang nag-viral ngayon sa social media hinggil sa paggamit ng administrasyon sa mga resources nito para sa pansariling interes.
Ito’y kung saan, ipinakikita sa larawan ang presidential sister na si Kris Aquino na ginagamit umano ang presidential chopper para sa campaign sorties ng Liberal Party.
Makikita sa larawan si Kris na nakasuot ng kulay dilaw na polo shirt na tila kabababa lamang mula sa presidential chopper.
Ayon kay Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon, patunay lamang ang kumakalat na larawan ng pagiging insensitibo umano ng administrasyon kung saan laging nadedehado ang taumbayan.
Malacañang
Walang masama at hindi labag sa batas ang paggamit ni presidential sister at TV host Kris Aquino sa presidential chopper para ikampanya ang mga kandidato ng administrasyon.
Ito ang iginiit ng Malacañang makaraang umani ng batikos sa mainstream media maging sa social media ang mga larawan ni Kris Aquino na bumaba sa isa sa mga presidential chopper sa campaign sortie ng Liberal Party sa Catbalogan, Samar.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, pinapayagan ang mga miyembro ng pamilya ng Pangulo na sumabay at sumakay sa mga sasakyang pang-gobyerno kasama ang Punong Ehekutibo.
Umani agad ng mga batikos ang mga kuhang larawan ni Kris Aquino dahil ginagamit umano ang presidential chopper para sa kampanya ng mga kandidato ng administrasyon.
Hindi rin ito nakaligtas sa mga progresibong kongresista na kumuwestiyon sa paggamit ng pondo at resources ng gobyerno para paboran ang mga kandidato ng administrasyon.
By Jaymark Dagala | Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23)
Photo grabbed from Facebook